View Full Version : Malakas na piso, mataas na presyo


olympic boy
10-14-2007, 05:51 AM
Malakas na piso, mataas na presyo

Jake Macasaet

Ipinagmamalaki ng pamahalaang Arroyo ang lumalakas na piso. Katunayan halos P45 na lang ang bawat dolyar. Malaki ang inilakas mula sa P56 may tatlong taon pa lang ang nakakaraan.

Ano bang pakinabang ng mahihirap sa malakas na piso? Di namin nararamdaman.

Hungkag pa rin ang aming tiyan. Di pa rin kami makapagpagamot ng libre. Sikip pa rin ang mga pupils sa nabubulok na classroom dahil maraming kulang na classroom habang dumarami naman ang nag-uumpisang mag-aral.

Noong nakaraang tatlong taon, ang presyo ng cooking gas ay kulang pa sa P400 bawat tangke. Ngayon P550 na. Kung minsan kulang pa sa timbang.

Bakit ganito ang inabot natin samantalang dapat tayong makinabang sa malakas na piso at murang dolyar?

Ganito po ang nangyayari. Lumulobo ang stock ng dolyar natin dahil malaki ang padala ng ating mga overseas workers. Lalo pa ngang lumalaki dahil malakas ang piso.

Halimbawa, noong ang dolyar ay P50, ang padalang $200 ay P10,000. Ngayong P45 na lamang ang dolyar, sa $200 ang katumbas nito ay P9,000 na lang. Paano ngayon kung ang talagang kailangan ng pamilya ng OFW ay P10,000 bawat buwan?

Lalaki ang padala para ang katumbas ay manatili sa P10,000.

Kung ganyan siyempre, lalaki pang lalo ang stock ng dolyar ng gobyerno. Pero ang hindi makaipon ng pera ay ang mga OFW.

Para sa akin okay na rin iyon. Ang masama ay kung saan ginagamit ng bayan ang malaking stock ng dolyar.

Sa aking pagsasaliksik, nakita ko na 21 per cent ng dolyar ay ginagamit sa pag-import ng tinatawag na consumption goods. Kasama rito ang mga gulay, bigas, palay at mamahaling kotse.

Ano ang ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin, ang mga banyagang producer ng bigas, mais, gulay at marami pang iba ang tinutulungan natin.

Ang resulta ay nawawalan ng kita ang ating mga magtatanim ng gulay at iba pang imported goods. Hindi makalaban ang ating mga magbubukid sa presyo ng imported goods dahil sila ay tinutulungan ng kanilang pamahalaan.

Napansin ko rin na 12 per cent lang ang itinaas ng paggamit ng dolyar sa pamimili ng mga makinarya at mga sangkap na gagawa ng produkto sa Pilipinas, maglilikha ng trabaho at magbabayad ng buwis.

Bakit kaya ganun? Dapat mag-import sila ng makinarya at iba pang sangkap dahil mura ang dolyar. Malaking tipid.

Sa palagay ko, ang tanging dahilan ay kawalan ng tiwala ng mga negosyante sa sistema ng pamamalakad ng gobyerno ni Pangulong Gloria Arroyo. Sumasama na lang sila sa agos.

Ang murang dolyar - ibig sabihin malakas na piso - ay hindi nag-uudyok sa mga exporter na palakihin ang kanilang operasyon. Bakit? Dahil konti lang ang nakukuha nilang piso sa bawat dolyar na kinikita nila.

Wala akong tutol kung bumagsak ang piso. Kung ang pagbagsak ay dahil sa malaki ang halagang dolyar na ginagamit sa pag-import ng mga makinarya at iba pang sangkap, darating ang panahon na tataas ang produksyon sa bansa.

Maraming taong magkakaroon ng trabaho. Lalaki ang kolekta sa buwis.

At hindi na tayo mag-i-import ng gulay, bigas, mais at prutas dahil ang ating bukirin at pabrika ay pinaunlad ng pamahalaan.

Ano ba talaga ang nangyayari ngayon? Dapat alam na ninyo. Mura ang dolyar. Pinahihirapan naman ang mga OFW at mga exporter.

Sa kabila niyan hindi mapigil ni Pangulong Arroyo ang lumalawak na kurakutan.

Kung kayo ay negosyante, magpapalaki ba kayo ng pabrika? Baka hindi. Madilim ang ating hinaharap. Tatlong taon pa bago manaog sa poder si GMA.

Sana ang papalit sa kanya ay may malasakit sa bayan. Sana bigyang pansin ang mga magsasaka. Sana mahinto ang nakawan at pagsisinungaling.:twak: :grumble: :puke: